3 teenager, patay sa salpukan ng motorsiklo at trak

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 03:12 PM

KANANGA, Leyte - Patay ang 3 teenager na sakay ng motorsiklo matapos mabangga at makaladkad ng kasalubong na trak sa bayang ito, Sabado ng hapon. 

Ayon sa mga imbestigador, nag-overtake ang motorsiklo ng mga biktima sa sinusundang sasakyan, dahilan para sumalpok sila sa kasalubong na 10-wheeler truck sa national highway sa Barangay Libongao. 

Pumailalim ang mga biktima sa truck at nakaladkad, dahilan ng agaran nilang pagkamatay. 

Nakilala ang mga biktima na sina James Kenneth Costillos, 18; Erwin Albos, 19 at Felipe Tapar, 19 -- na pawang nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at katawan. 

Napag-alamang walang suot na helmet ang 3 binatilyo nang madisgrasya. 

Agad namang sumuko sa pulisya ang truck driver na si Bejie Jabilles na tumanging magbigay ng panayam sa media. 

Nahaharap si Jabilles sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.