P18-M halaga ng shabu, nasamsam sa Taguig

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 10:28 AM

Humigit-kumulang P18-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng isang abandonadong sasakyan sa Bonifacio Global City sa Taguig madaling araw ng Sabado.

Minanmanan ng PNP at PDEA ang sasakyan na halos 12-oras nang nakaparada sa isang open parking space sa hinalang may laman itong droga.

Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, madalas kasing sa mga parking area isinasagawa ang mga transaksyon sa illegal drugs.

Binantayan ito ng mga operatiba maghapon pero hindi na binalikan ng may-ari.

Pasado hatinggabi nang buksan ang Mitsubishi Lancer at natagpuan sa trunk nito ang mga plastic na may laman na hinihinalang shabu.

Nakasilid ang mga ito sa mga kahon.

Nasa 3.5 kilo ng hinihinalang shabu, o tinatayang nagkakahalaga ng P18 million, ang nakuha.

Nakipag-ugnayan na ang PNP at PDEA sa Land Transportation Office para malaman kung kanino naka-rehistro ang kotse.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.