Amerikano, na-rescue sa pagkakaipit sa nabanggang sasakyan

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 02:25 PM

Isang Amerikano ang na-rescue matapos na maipit sa minamanehong sasakyan na bumangga sa likuran ng isang trailer truck Sabado ng madaling araw sa Lanang, Davao City.

Ang SUV ni Reggie Thomas Ashworth ay sumalpok sa likod ng truck na may kargang 40-foot container van pasado alas-4 ng madaling araw.

Sa tindi ng pagkakayupi ng sasakyan, gumamit ng hydraulic equipment ang rescuers upang matanggal sa pagkaka-ipit ang driver.

Ayon sa driver ng trailer truck na si Anecito Sapequinia, mahina lang ang takbo ng kanyang truck dahil flat ang gulong sa likuran nang biglang may malakas na lumagapak sa likod nito dahil sa pagbangga ng SUV.

Sa lakas ng pagkakabangga, natanggal ang pintuan ng SUV at nawarak din ang harapan nito.

Ilang minuto lang ang nakalipas at natanggal rin sa kanyang pagkaka-ipit ang American national, ngunit wala pa rin itong malay.

Agad na dinala sa pinakamalapit na ospital ang biktima upang mabigyan ng sapat na atensiyong medikal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.