5 patay, 65 arestado sa operasyong kontra-droga sa Davao

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 04:13 PM

DAVAO CITY – Lima ang patay sa magkakasabay na operasyon kontra-droga ng mga otoridad sa siyudad ngayong Sabado.

Umabot sa 65 katao ang naaresto, at nasagip naman ang isang 11-anyos na batang lalaki na umano’y ginagamit na runner ng mga bumibili ng iligal na droga sa “one-time, big-time” operation ng mga otoridad sa 11 barangay sa Davao City.

Mga materyal na pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o “shabu” ang nakumpiska. Kung mapatunayang shabu nga ito, tinatayang nasa P2 milyon ang halaga nito.

Napatay sa magkakahiwalay na operasyon ang mga suspek na sina Mark Joseph Egimo, Alex Cayao, Rolly Arendain, Jonathan Lihaylihay, at Louie Francis Reta. 

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagkaroon ng engkwentro laban sa mga nasawi nang paputukan ng mga suspek ang mga pulis na nagsisilbi ng search warrant. 

Ayon kay Senior Superintendent Alexander Tagum, director ng Davao City police, bukod sa pagkumpiska sa iligal na droga ay kasama din sa kanilang operasyon ang implementasyon ng mga search warrant at warrant of arrest, at pagsagawa ng mga sting operation o “buy-bust”.

Sa Lunes sasampahan sa piskalya ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang ibang mga naaresto. 

Ikinasa ang operasyon bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa iligan na droga na pangunahing programa ni Pangulong Rodrigo Duterte, na matagal namuno sa siyudad bilang Mayor. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.