SAPUL sa CCTV: Lola, nagnakaw ng cellphone sa tindahan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 04:47 PM

GENERAL SANTOS CITY - Masama ang loob ng isang babae matapos na masalisihan siya ng kanyang bagong biling cellphone nitong Huwebes ng hapon.

Kuwento ni Honey Bernil, iniwan niya saglit ang kanyang cellphone na naka-charge para i-follow-up sa loob ng opisina ang order ng isa sa kanyang mga kliyente pero wala pang limang minuto nang makabalik ito, laking gulat niya na wala na ang kanyang cellphone.

Tanging charger na lang ang naiwang nakasaksak.

Hinanap ni Bernil ang cellphone pero hindi niya ito makita. Kaya naman tiningnan na nila ang CCTV at doon nagulantang siya sa kanyang napanood na isang lola pala ang tumangay sa kanyang cellphone.

Sa CCTV, makikita ang isang matandang babae na pumasok sa tindahan. Makikita rin ang cellphone stall na walang bantay pero andoon ang guwardiya na nakatalikod.

Maya maya pa, tumungo sa cellphone stall ang matandang babae at timing naman na umalis ang guwardiya.

Doon na siya nakakita ng tiyempo at dagling isinilid sa kanyang bag ang cellphone at lumabas.

Laking panghihinayang ni Bernil dahil wala pang isang linggo ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P17,000. Ang masaklap pa, hindi pa niya ito nababayaran ng buo. Ikakaltas ito sa kanyang sweldo sa loob ng dalawang buwan.

Ayon naman sa security guard ng establisyemento na naka-duty ng mga oras na nangyari ang pagnanakaw, nagkataong magtu-turnover na siya ng trabaho sa kanyang karilyebo kaya ito lumabas at binilang ang mga panindang motor.

Hindi raw talaga siya nanghinala sa lola suspek dahil inosente naman raw itong tingnan.

Sa ngayon, dumulog na sa pulis ang biktima at patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nasangkot ang isang matandang babae sa nakawan. Nitong Abril, nahagip rin ng CCTV ang matandang babae na pumasok sa isang bahay kung saan makikitang may natutulog sa sofa ng sala.

Kinuha niya ang cellphones at mga mamahaling sapatos ng kanyang biktima pero naaresto rin ang matandang babae noong Abril 27.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.