Sabwatan sa krimen, resulta ng pagpatay kay Espinosa: PNP-IAS

Henry Atuelan, DZMM

Posted at May 19 2017 12:28 PM | Updated as of May 19 2017 12:47 PM

CIDG Official Photo (ABS-CBN)

Pareho ang naging resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice at Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa kaso ng pagpatay kay Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa.

Ito ang kinumpirma ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, kung saan binabanggit na nagkaroon ng conspiracy o sabwatan sa krimen.

Banggit ni Triambulo na naisumite na ng PNP-IAS sa tanggapan ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Kasama na aniya sa mga isinumite kay Dela Rosa ang rekomendasyon sa magiging estado ni Supt. Marvin Marcos at 18 iba pang pulis na pangunahing mga suspek sa krimen.

Tumanggi naman si Triambulo na banggitin ang naging hatol laban sa grupo ni Supt. Marcos dahil ang Chief PNP ang pinal na nagdedesisyun dito.

Ang grupo ni Supt. Marcos ay kasalukuyang nakapiit sa Criminal Investigation and Detection Group-Region 8 sa Leyte.

“Ang trabaho po namin taga-imbestiga, taga-prosecute, taga-hearing ng kaso. Tapos si Chief PNP ang nag-dismiss. Pag nag-dismiss na siya, pag nag-file ng motion, sa kanya na po iyon. It is the decision of the Chief PNP which is being reconsidered. Hindi po yung resolution naming,” paliwanag ni Triambulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.