REHIYON: Hinihinalang 'NPA', namataan sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 06:28 PM | Updated as of May 19 2017 06:29 PM

Narito ang pinakamalalaking balita sa Luzon at Visayas.

LUZON: Kaso ng HIV-AIDS sa Ilocos Sur, tumaas

Naalarma na ang Provincial Health Office ng Ilocos Sur dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS. 

Sa huling tala, umabot na sa 116 ang tinamaan ng sakit sa probinsiya. 

Pangalawa sa pinakamaraming biktima ng sakit ay edad 15 hanggang 24.

Karamihan naman sa mga kaso nito ay naitala sa Candon City at Vigan City.

Dahil dito, pinalakas ng lokal na pamahalaan ang kampanya sa pag-iwas sa HIV-AIDS. 

-- Ulat ni Bryan Realgo, ABS-CBN News

VISAYAS: Hinihinalang 'NPA', namataan sa Negros Oriental

Namataan sa Negros Oriental ang pagdaong ng armadong grupo na hinihinalang mga miyembro ng New People's Army (NPA).

Kinumpirma ng 3rd Infantry Division ng militar na may namataang 10 hanggang 20 mga armado na dumaong sa siyudad ng Guihulngan sa Negros Oriental sakay ng isang bangka.

Hinala ng militar, ito rin ang grupong namataan sa bayan ng Santa Catalina noong isang araw. 
    
Posible umanong sa dagat na bumibiyahe ang mga rebelde para makaiwas sa mga nagpapatrolyang sundalo at pulis.

Dahil dito, pinaigting ang pagbabantay ng pamahalaan at nagdagdag na ng mga sundalo sa Oriental Negros.

-- Ulat ni Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.