Lalaki, kritikal matapos barilin ng riding-in-tandem sa Makati

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 04:55 PM

Kritikal ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem Biyernes ng tanghali sa Makati City.

Nakunan pa ng CCTV ang pag iikot ng mga suspek bago pinagbabaril ang biktimang tulak umano ng droga sa lugar.

Alas-11 ng umaga nang dumating ang dalawang lalaking angkas ng motor sa Barangay Pitogo. Ilang sandali pa ay umalingawngaw na ang isang putok ng baril at nahagip pa ng CCTV ang nagmamadaling pagtakas ng dalawang naka motor.

Kritikal ang lalaki na nakilalang si Mario Carsola matapos magtamo ng tama ng baril sa batok. Ayon sa barangay, dayo lang umano ang biktima sa lugar.

Sa cellphone video naman, makikitang duguan pero buhay si Carsola at may ilang sachet ng shabu sa tabi nito.

Agad naitakbo sa ospital ang biktima. Hirap makilala ang mga suspek dahil nakasuot ng helmet ang mga salarin.

Sa ngayon, tinitingnang anggulo ng Makati Police ang away sa iligal na droga bilang posibleng sanhi ng pamamaril.

Pinag aaralan din nila ang kuha ng CCTV at kung nakunan ang mga suspek sa ibang dinaanang barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.