Estudyante sa senior high, timbog sa buy-bust

Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 02:40 PM

Nahuli mula kay Jean Libor, 18, ang tatlong sachet ng shabu at perang ginamit sa buy-bust operation. Greanne Mendoza, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY - Arestado ang Grade 11 student na si Jean Libor Lunes ng gabi matapos ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Upper Canitoan sa lungsod na ito.

Nakumpiska mula kay Libor, 18, ang tatlong sachet ng shabu at mark money na ginamit sa operasyon.

Ayon sa awtoridad, pangunahing distributor ng droga sa "uptown area" sa lungsod si Libor, at mga construction workers sa residential areas ang kaniyang mga binebentahan.

Pag-amin ni Libor, kanyang pinagsisihan ang kanyang ilegal na negosyo, ngunit tanggap na niyang maaaring hindi na niya maipag-patuloy ang kaniyang pag-aaral at makamit ang pangarap na maging isang nurse.

Kakasuhan si Libor ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.