85-anyos na lalaki, napatay umano ng sariling anak

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 05:34 PM

Natagpuang wala nang malay at duguan si Elpidio Yadao, 85, sa terrace ng kaniyang tahanan nitong Huwebes. PNP-Sinait, Ilocos Sur

SINAIT, Ilocos Sur - Natagpuang wala nang malay at duguan si Elpidio Yadao, 85, sa terrace ng kaniyang tahanan sa Barangay Purag sa bayang ito Huwebes.

May sugat ito sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan at naisugod pa sa ospital pero idineklara rin itong dead on arrival.

Mismong anak nitong si Nestor Yadao, isang security guard, ang pumatay umano sa biktima.

Umuwi umanong lasing at biglang nagalit si Nestor sa kanyang ama saka niya ito pinukpok ng bato.

"Siguro nasaktan niya itong ama niya hanggang sa napatay niya… Itong suspek kasi galing ng Manila, doon siya kasi nagtatrabaho as security guard, um-attend lang siya dito ng isang lamay diyan sa Cabugao," ani PCI Reynaldo Mendoza Jr.

"Sabi ng mga witness natin na mga kamag anak at kapitbahay nila nagpapatulong itong matanda noon sa kapitbahay niya. Pero takot naman itong mga kapitbahay niya na pumunta dito sa station."

Narekober ng mga pulis ang 3 malalaking bato kung saan nangyari ang krimen.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may mas malalim pang dahilan kung bakit ito ginawa ng suspek sa kaniyang ama.

Hindi nagpa-interview ang suspek at ayaw ring magbigay pa ng anumang pahayag ng pamilya Yadao.

Inihahanda naman na ng pulisya ang kasong parricide laban sa suspek.