10 bandido, napatay umano sa engkwentro sa Sultan Kudarat

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 02:34 AM

SULTAN KUDARAT – Sampung bandido ang hinihinalaang napatay at walo naman sugatan umano, kasama ang isang sundalo, nang magkabakbakan ang grupo ng mga bandido at tropa ng 33rd Infantry Battalion at mga pulis sa Sultan Kudarat nitong Huwebes.

Igagawad sana ng pinagsanib na puwersa ng mga sundalo at pulis ang isang search warrant sa kampo ng mga bandido sa Barangay Bual, Isulan nang sinalubong sila ng putok ng grupo.

Gumanti ang tropa ng pamahalaan at tumagal ng mahigit sa tatlong oras ang palitan ng putok.
 
Tinamaan ng bala sa kaliwang braso ang sundalong si Pfc David Desidorio.
 
Nakubkob ng militar ang kampo at nahuli si Abdul Lagyuma. Kumpiskado rin ang baril niya.

“Kilala din siya bilang ‘Black Moro’ na wanted din daw. Kaya dinala na lang namin at under investigation,” ani Lt, Col. Harold Cabunoc, ang commander ng 33rd Infantry Battalion.

Target ng raid ang nagngangalang Kumander Dimas, alyas “Dragon.”

Hindi naman nakita sa lugar ang mga pinaniniwalaang napatay at sugatan sa engkwentro. Maaaring itinakbo ito ng mga kasamahan sa iba't ibang ospital, ayon kay Cabunoc.

“Actually may resolution ang barangay na talagang natatakot daw sila sa presence ng mga ito. Dahil nga armado sila ng high-powered [weapons] at madalas silang sangkot sa pananakot ng mga residente,” ani Cabunoc.
 
Sangkot umano ang grupo ni Dimas sa extortion, illegal mining, at pananakot. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.