Nanalong reelectionist kagawad, pinagbabaril

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 02:50 PM

Sa waiting shed na ito pinagbabaril si Rahim Onotan, ang nanalong reelectionist kagawad ng barangay Kapinpilan. Photo courtesy of Midsayap Municipal Police Station.

MIDSAYAP, North Cotabato – Patay ang isang barangay kagawad matapos na pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin habang nakaupo lamang sa waiting shed Huwebes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Rahim Onotan, 36-anyos at kagawad ng Barangay Kapinpilan.

Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang 14 na basyo ng 9 mm pistol.

Ayon kay North Cotabato Police spokesperson Bernard Tayong, may testigong nakakita sa taong bumaril sa biktima pero hindi na muna nila papangalanan ang person of interest hanggang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.

“Meron na tayong person of interest. Kakilala din ito ng biktima, may grudges sila,” sabi ni Tayong.

Sa follow-up investigation ng awtoridad, ang pagiging aktibo sa kampanya kontra droga ng biktima ang isa sa mga anggulong nakikita bilang motibo sa pagpatay sa kaniya.

Nagwagi bilang reelectionist kagawad si Onotan sa katatapos lamang na Barangay elections.

Samantala, sa kabila ng naganap na krimen at tensyon na naitala sa ilang barangay sa bayan ng Pikit at ang naiulat na pagsabog sa boundary ng Tulunan, Cotabato at Maguindanao noong araw ng halalan, itinuring ng North Cotabato Police na mapayapa sa pangkalahatan ang naganap na halalan sa lalawigan.

Mula sa 543 na barangay sa buong lalawigan ng Cotabato, 184 sa mga ito ang tinukoy ng pulisya na kabilang sa areas of concern noong halalan.

Sa impormasyon mula sa Commission on Elections, naiproklama na rin ang mga nanalong barangay at Sangguniang Kabataan officials sa 17 bayan at isang lungsod sa probinsiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.