Mabababang barangay sa North Cotabato, binaha

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 03:45 PM

Ginawang swimming pool ng ilang mga bata ang abot tuhod na baha na basketball court sa Barangay Poblacion Tress sa bayan ng Pigcawayan sa North Cotabato.

LIBUNGAN, North Cotabato – Binaha ang ilang mabababang barangay sa mga bayan ng Libungan at Pigcawayan dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan Biyernes ng madaling araw.

Sa bahagi ng Barangay Baguer sa Libungan, abot hanggang tuhod ang baha sa residential area at maging ang national highway ay inabot na rin ng tubig.

“Sa sobrang lakas ng ulan umapaw ang tubig sa kalsada, pumasok ang tubig sa loob ng mga bahay,” sabi ng residenteng si Jonathan Abandon.

Ginawa namang swimming pool ng mga bata ang basketball court sa Barangay Poblacion Tres sa Pigcawayan dahil lampas tuhod ang baha.

Maging ang ilang sasakyang nakaparada sa tabi ay nalubog din sa tubig.

“Malakas masyado ang ulan, nagising ang tao dahil nabasa ang higaan nila. Sa bukid nagmula ang tubig,” dagdag naman ng isa pang residente.

Sa paliwanag ni weather forecaster Charlene Jamero ng PAGASA, walang bagyong nananalasa sa bansa pero ang mahigit isang oras na malakas na buhos ng ulan ay dulot ng localized thunderstorms at epekto ng easterlies.

“Mainit ang temperature natin sa umaga kaya’t umuulan sa gabi. Ito ay dulot ng localized thunderstorms at easterlies,” sabi ni Jamero.

Ayon sa PAGASA, sa buwan pa ng Hunyo inaasahang papasok ang panahon ng tag-ulan sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.