Barangay hall sa Santiago City, sinadiyang sunugin

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 02:42 PM

SANTIAGO CITY - Sadyang sinunog ang barangay hall ng Barangay Mabini dito sa lungsod, ayon sa resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na isinapubliko Huwebes.

Nagsimula ang sunog sa opisina ng barangay treasurer, secretary at 2 clerk.

“Pagpasok kasi namin sa loob, may mga walis na dapat nandun sa lalagyan pero ikinalat tapos sinindihan. Sa unang tingin namin ay may gumawa, sumunog o arson,” ayon kay Senior Fire Officer 1 Romel Ocon ng BFP Santiago City.

Ginamit din ang mga kurtina at mga dokumento upang magsimula ng apoy sa loob ng opisina, dagdag ni Ocon.

Lumalabas din sa imbestigasyon na hindi puwersahan na binuksan ng 'di pa nakikilalang salarin ang opisina.

Ayon sa sekretarya ng barangay na si Leanne Mae Petinez, ang mga nasunog na dokumento ay galing sa kaniyang locker na puwersahan umanong nabuksan.

Kabilang sa mga dokumentong tinupok ng apoy ay ang mga minutes of the meeting o mga napag-usapan sa sesyon ng konsehong pambarangay.

“Nakaback-up naman po [ang mga nasunog na dokumento] pero 'yung mga hard copy niya, 'yun po ang problema kasi 'yung iba may mga pirma,” ani Petinez.

Giit naman ng punong barangay na si Loy Manubay na maaaring nagsimula sa sirang wiring ang sunog.

“Kasi diyan may mga nagspark na dati," paliwanag ni Manubay.

Ayon kay Manubay malabo ang anggulo ng panununog dahil wala siyang maisip na motibo ng sinuman upang sinugin ang kanilang opisina.

Naghahanap na ang mga awtoridad ng CCTV video upang makita kung sino ang pumasok sa barangay hall ilang minuto bago naganap ang sunog.

Nangyari ang panununog ilang araw lang matapos ang eleksyon kung saan natalo bilang re-electionist chairman si Manubay.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng mga ari-arian na napinsala dahil sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.