Presyo ng karneng baboy, tumaas dahil sa manipis na suplay: Piñol

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 03:59 PM | Updated as of May 18 2017 04:32 PM

MANILA - Tumaas kamakailan ang presyo ng karneng baboy dahil sa manipis na suplay sa lokal at pandaigdigang merkado, paliwanag ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol Huwebes. 

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Piñol na malaki ang nabawas sa pandaigdigang pork supply matapos mag-angkat ang Tsina dahil sa problema sa sarili nitong produksyon. 
 
Nagkaroon din aniya ng aberya ang suplay ng Pilipinas matapos mamatay ang libu-libong biik dahil sa Porcine Epidemic Diarrhea (PED) virus. 

Bilang tugon, pinayagan na ng pamahalaan ang pribadong sektor na mag-angkat ng 7 milyong kilo ng karneng baboy hanggang Setyembre. 

Pinakiusapan din ng pamahalaan ang hog raisers na huwag munang katayin ang mga 90-kilong baboy, bagkus ay hintayin hanggang tumimbang ang mga ito ng 110 o 120 kilos. 

"You can just imagine kung ilang milyon ang baboy natin. Kung bawat baboy magkakaroon ng additional 10 kilos man lang o 20 kilos, that's an additional 10 million kilos right away," ani Piñol. 

Tiniyak naman ni Piñol na unti-unting bababa ang presyo ng karneng baboy bandang Hunyo kapag sinumulan nang katayin ang mas malalaking baboy. 

"I would like to assure our consumers that this is a temporary issue. Ang lahat po ng ito ay ina-address natin," dagdag ng kalihim. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.