'P12 pasahe, protesta, nakaumang sa jeep phaseout'

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 06:37 PM | Updated as of May 19 2017 12:17 AM

Kasado na sa Lunes, Mayo 22, ang malawakang protest-caravan ng grupong Piston at mga miyembro nila kontra sa napipintong phaseout ng kanilang mga jeepney. Bukod sa hindi raw nila kakayaning bumili ng ipapalit na sasakyan, posible rin daw na tumaas ang minimum na pasahe hanggang P12, na mabigat sa mga pasahero.

Babala rin nila sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), magsasagawa rin sila ng malawakang tigil-pasada kasabay ng simula ng pasukan sa Hunyo 5 kapag hindi pa rin sila pinakinggan ng mga awtoridad.

Sa Iloilo nga, handa na raw ang transport groups sa dalawang araw na tigil pasada sa pagbubukas ng klase.

Kinokontra kasi ng Piston ang panukala ng LTFRB na palitan ng e-jeep ang mga jeepney nila. 

Hindi rin daw nakikipagdayalogo ang LTFRB sa kanila o nagbibigay man lang ng kopya ng Omnibus Franchising Guidelines tungkol sa jeepney phaseout.

Ayon sa Piston, mahigit 1,000 operator, driver at mga kaanak nila ang makikiisa sa caravan sa Lunes mula sa Quezon Memorial Circle patungo sa opisina ng DOTr kung saan magdaraos sila ng programa hanggang hapon.

Ipinaliwanag naman ng DOTr na sa susunod na tatlong taon ay ipatutupad na ang modernisasyon sa mga public utility vehicles kabilang na ang mga jeepney. Pero hindi naman daw nila iiwan sa ere ang mga jeepney driver at operator, dahil tutulungan daw sila sa gastusin ng modernisasyon.

Samantala, umapela ang Department of Education (DepEd) na huwag sanang ituloy ang tigil-pasada sa pasukan dahil tiyak na maaapektuhan ang mga estudyante maging ang mga guro. Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa lokal na pamahalaan para sa planong pang-transportasyon sakaling matuloy ang transport strike.

-- Ulat nina Kevin Manalo, Regi Adosto, at Divine Sing, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.