Nanguryente at nangholdap ng taxi driver, arestado

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 06:39 PM | Updated as of May 19 2017 12:52 AM

Naaresto ang dalawang nanaksak at nanguryente ng isang taxi driver sa New Manila, Quezon City.

Nakunan pa sa CCTV ang eksena nang dumating ang taxi sa isang kalye.

Nakitang napatalon palabas ng taxi ang driver nito dahil inundayan na raw siya ng saksak at ginamitan pa ng stun gun ng lalaki at babaeng pasahero.

Matapos saktan ang driver, kumaripas ang mga suspek tangay ang perang kinita ng biktima.

Nakahingi naman ng tulong ang driver sa pulis na malapit sa lugar kaya nahabol at natiklo ang mga suspek.

Tinukoy ang mga naaresto na sina Jade Bertoldo, 23 anyos, at Jessa Lopez, 18 anyos. 

Narekober ng Quezon City Police District ang patalim at stun gun mula sa mga suspek. 

Ayon sa pulisya, balak din ng mga suspek na tangayin ang taxi ng biktima.

Itinanggi naman ito ng mga suspek at sinabing gipit lang daw sila kaya hinoldap ang driver.

Nahaharap ang mga suspek sa mga reklamong frustrated murder, robbery-holdup, at attempted carnapping.

Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.