Lalaki nanghipo ng babae, sinugod pa ang bahay ng biktima

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 10:38 AM

MANILA - Arestado ang isang lalaki matapos umanong manghipo ng isang babae, sugurin ang bahay ng biktima habang may dalang itak at magwala nang hulihin ng mga awtoridad sa Parañaque.

Kuwento ng 22-anyos na biktimang si "Kaye", naghihintay siya ng inorder na pagkain sa isang ihawan sa BF Homes nang hipuan umano siya ni Jerome Pagaran, na noo'y nakikipag-inuman sa lugar.

"Tumayo siya, hinipuan ako sa tagiliran," sabi ni Kaye.

Isinumbong ni Kaye ang insidente sa live-in partner niyang si Harlie Gallego, na kinumpronta ang suspek.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, umuwi si Pagaran sa kanyang bahay at kumuha ng itak.

Nakipag-agawan pa si Pagaran ng itak sa kanyang misis, kaya nasugatan ang suspek sa kanyang daliri.

Matapos nito, sumugod ang suspek sa bahay nina Kaye at Gallego at pinagbantaan ang mga ito.

Hindi siya hinarap ng magkasintahan na sa halip ay tumawag ng mga opisyal ng barangay.

Nang dumating ang mga awtoridad, sinubukan pa ni Pagaran na tumakbo pero nakorner din siya ng mga tanod.

"'Di ko alam na may itak, siniko ko, nagwawala. Tumalsik nga kami nung hinawakan namin, lasing kasi," sabing barangay tanod na si Dave Martinez.

Kumalma rin kalaunan si Pagaran at itinangging hinipuan niya si Kaye.

"Maiksi suot, e lalaki ka, mapapatingin ka. Nahuli ako na tumitingin, sinabihan ng bastos. Ang layo-layo ko, hihipuan ko? Ano ako, lastikman?" sabi ng suspek.

Desidido naman si Kaye na ituloy ang kasong acts of lasciviousness, trespassing at frustrated homicide laban kay Pagaran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.