Bakuna kontra HPV sa mga paaralan, ibabalik ng DOH

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 12:03 PM

Ibabalik na ng Department of Health ang bakuna kontra HPV o Human Papilloma Virus sa mga pampublikong paaralan sa mga piling siyudad at probinsiya sa bansa.

Matapos matigil noong 2016, muling ibabalik ng DOH sa Agosto ang pakikipagtambal sa Department of Education para sa HPV school-based immunization para sa mga babaeng siyam na taong gulang o nasa ikaapat na baitang sa mga pampublikong paaralan sa may 46 na siyudad at probinsiya sa bansa.

Ayon sa DOH, dapat mabakunahan na ang mga babae sa murang edad pa lamang para maprotektahan.

"9 years old, mataas pa immune system ng bata at malakas pa ang response sa vaccine. Plus, hindi pa siya ganoon ka-exposed sa sexual activity," ani Dr. Clarito Cairo, Program Manager para sa Cancer Prevention and Control ng DOH.

Higit 6,000 Pinay umano ang nada-diagnose na may cervical cancer kada taon, at nasa 12 babae ang namamatay kada araw dahil sa sakit na ito, ayon sa report ng DOH noong 2010.

"Ang HPV infection is the most common sexually transmitted infection. Usually, walang symptoms at kusang gumagaling just like flu, pero pag tumagal tagal ang HPV sa mga babae o sa mga lalaki-- sa babae, nagiging cervical cancer, at sa lalaki naman, puwedeng maging penile cancer," paliwanag pa ni Dr. Cairo.

Nakukuha rin umano ang cervical cancer dahil sa HPV, ngunit nagagamot at maaari itong iwasan sa pamamagitan ng screening at HPV vaccine.

Hiling naman ng ilang mga nanay na maipaliwanag muna sa kanila kung para saan at ano ba ang bakunang ito.

"Dapat ipaliwanag muna sa amin kung para saan ba, kung maganda ba," ayon kay nanay Snooky na may anak na grade four sa darating na pasukan.

Kailangan naman na pirmado ng magulang ang ibibigay na waiver bago pa bigyan ng bakuna ang mga bata.

Nasa 46 na siyudad at probinsiya na ang mabibigyan ng bakuna, mula sa dating 20.

Para malaman kung aling mga lugar ang kasali sa programang ito, maaaring tumawag sa hotline ng DOH na 701-1001 o 701-1002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.