Paggawa ng riprap sa pinatag na bundok sa Boracay ipinahinto

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 07:39 PM | Updated as of May 18 2018 12:13 AM

Itinigil na ang paggawa ng riprap at slope protection sa inirereklamong pinatag at kinalbong bundok sa Barangay Yapak sa Boracay Island.

BORACAY ISLAND - Tuluyan nang itinigil ang paggawa ng mga riprap at slope protection sa isang bundok sa Barangay Yapak dito sa isla matapos ang inspeksiyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Miyerkoles at Huwebes ng umaga.

Muling binalikan ng news team ang kinalbo at pinatag na bundok Huwebes ng umaga at wala na ang mga construction worker na nakitang nagta-trabaho sa lugar noong Martes.

Ayon kay Leo Perania, ang tagapamahala ng mga dokumento ng Costa Vista Boracay na pagmamay-ari ng pamilya ni Sen. Cynthia Villar, tumigil muna sila sa pagtatrabaho dahil nga sa pumutok na kontrobersiya.

Ipinaliwanag ni Perania na bago pa man isara ang Boracay noong Abril ay ipinahinto na ang trabaho sa ginagawang sementadong daan patungo sa shoreline.

Maging ang sinasabing pagpatag sa bundok ay nahinto na rin umano bago pa man ang Senate inquiry sa mga problema sa Boracay, kabilang ang pagtatayo ng mga istruktura sa ipinagbabawal na lugar at hindi maayos na sewerage system. 

Giit pa ni Perania, ang na-upload na video sa social media kung saan may nakitang umaandar na backhoe ay kuha noong nakaraang linggo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Paliwanag din niya na ginamit lamang ang backhoe sa paggawa ng kanal para may madaanan ang tubig ulan. Tumagal din aniya ang trabaho ng dalawang oras lamang.

Sinabi naman ni Richard Fabila, ang hepe ng Community Environment and Natural Resources sa Boracay, walang palatandaan na ginalaw ang bundok mula nang ipasara ang Boracay noong Abril 26. 

Kung may dapat mang imbestigahan ang ahensiya, ito ay kung may permit ba ang pagputol ng mga kahoy sa bundok kahit na pag-aari ito ng isang pribadong kompanya.

Inabisuhan din ni Fabila ang mga trabahador na itigil muna ang paggawa ng riprap at slope protection habang inaalam pa ng DENR ang katotohanan sa likod ng kontrobersiya.

Sa isang pahayag na inilibas ng Vista Land na pag-aari ng mga Villar, sinabi nitong sumunod sila sa lahat ng mga regulasyon at kumuha ng lahat ng kailangang permiso mula sa gobyerno para sa pagpapatayo ng Costa Vista. 

Ayon kay Ma. Nalen SJ. Rosero, Chief Legal Counsel of Vista Land & Lifescapes, Inc, mula pa Pebrero ay binawasan na ang mga trabahador at kagamitan sa proyekto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.