Magsasaka patay matapos tamaan ng kidlat sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 09:11 PM

SOLSONA, Ilocos Norte - Patay ang isang magsasaka matapos itong tamaan ng kidlat sa Barangay Manalpac dito Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang 62-anyos na biktima na si Santiago Alonzo. Tinamaan siya ng kidlat habang nasa bukid.

Kuwento ng anak nito na si Anthony, bigla umanong umulan habang nagtatanggal sila ng mga butil ng mais sa bukid.

Inaya umano niya ang ama na sumilong muna ngunit bumalik pa rin ito sa bukid at doon na tinamaan ng kidlat.

"...Nang may malakas na tunog ng kulog, tumakbo ako, hindi ko na siya napansin," ani Anthony.

Itinakbo pa sa Rural Health Unit ng Solsona ang biktima ngunit idineklara na siyang dead on arrival dahil sa malalang sugat sa kaniyang dibdib na hinihinalang nilabasan ng kuryente.

Si Alonzo ang unang nasawi sa tama ng kidlat sa Ilocos Norte ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.