Kaso ng pinaslang na 19 anyos sa Lucena, nalutas matapos ang 6 na buwan

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 10:04 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Makalipas ang anim na buwan, nalutas ng Lucena police ang kaso ng pagpatay sa isang dalaga matapos maaresto ang suspek sa ibang krimen. 

Unang nahuli ng pulisya ang suspek na si Jomar Aganan, 23 anyos, dahil sa kasong theft.

Pero kalaunan, matapos umanong makonsensiya, umamin si Aganan na siya ang responsable sa pagpaslang noong Nobyembre sa 19 anyos na si Vheanca Punzalan.

"Hindi ko po balak na siya'y patayin. Tinutukan ko lang siya ng kutsilyo tapos inagaw niya sa 'kin... Doon na po kami nagpangbuno dalawa," kuwento ng suspek. 

Inaalam pa kung ginahasa ni Aganan ang biktima.

Ayon naman kay Superintendent Vicente Cabatingan, nasa impluwensiya ng droga ang suspek nang patayin ang dalaga.

"Two days na siyang walang kain, rugby lang ang ginawa niyang pantawid gutom. No'ng pinasok niya itong babaeng ito, sinabi niya sa revelation niya, hold-up lang ang talaga purpose niya," ani Cabatingan.

Natagpuan ng mga opisyal ng barangay ang pinagsasaksak na bangkay ni Punzalan sa loob ng binabantayang tindahan. 

Naiwan pang nakasaksak sa mata ng dalaga ang kutsilyo.

Matagal nagtago sa Bicol ang suspek hanggang bumalik sa Quezon, kung saan siya nasangkot sa iba't ibang krimen hanggang sa maaresto noong Marso.

Sinampahan na ng kasong robbery with homicide ang suspek.

Tiniyak naman ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng Calabarzon police, na tututukan nila ang mga krimeng gaya ng kay Punzalan para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.