Hirit ng mga jeep sa Marikina: 'surcharge' tuwing rush hour

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 08:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkoles ang grupo ng mga jeepney operator ng Marikina para itaas ang base fare sa P10 mula sa kasalukuyang P8.
    
Pero ang kakaiba sa kanilang hirit: nais nilang magkaroon ng "surcharge" tuwing rush hour sa umaga at hapon na dagdag P1 sa unang 4 na kilometro ng biyahe. 

Magsisimula ang kanilang rush hour rate tuwing alas-5 hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 hanggang alas-8 ng gabi.

Ang surcharge ay istilo ng mga transport network vehicle service (TNVS) tulad ng Grab. 

Pero ayon sa LTFRB, hindi basta-bastang lulusot ang hirit na surcharge ng mga jeepney.

"When you talk about surge, mahirap i-determine kung kailan mangyayari at 'yung justification, kung ano ang mangyayari sa supply and demand," ani LTFRB Chairman Martin Delgra III. 

Gayumpaman, sinabi ni Delgra na ang hiling na taas-pasahe ay malaki ang posibilidad maaprubahan. 

Ayon naman sa grupong Laban Konsyumer Inc., dapat magkaroon pa rin ng standardized rate ang lahat ng pampublikong sasakyan sakaling matuloy ang surge rate ng mga jeep. 

"When allowed by law, it should be transparent, reasonable, uniform, and standardized for all public utilities," pahayag ng grupo. 

Kung matatandaan, nasa P38 kada litro pa ang diesel nang maghain ang grupo ng mga jeepney operator at driver ng fare hike petition noong Enero.

Sa ngayon, pumapalo na sa P46 kada litro mahigit ang presyo ng diesel.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.