20 kilo ng bigas, tinangay ng 'salisi'

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 03:32 AM

CAGAYAN DE ORO - Tinangay ng isang lalaki ang 20 kilo ng bigas sa isang tindahan sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro City nitong noong Lunes.

Nakuhanan pa sa CCTV ang kawatan na nagpanggap na isang customer.

Ayon sa bantay ng tindahan na si Cherry Sultan, nagpatimbang ng 20 kilo ng bigas ang lalaki at umalis pagkatapos.

Nang muling bumalik ang lalaki, nagpadagdag ito ng 10 pang kilo na bigas.

"Habang tinitimbang ko ang bigas, hindi ko napansin na kinuha pala niya ang naitimbang ko na na bigas at dinala niya ito sa labas ng tindahan," ani Sultan.

Isang pedicab ang naghihintay sa labas ng tindahan at isinakay ng kawatan ang nakuhang bigas saka mabilis na umalis.

"Pagtalikod ko mula sa timbangan, nawala na ang lalaki," dagdag ni Sultan.

Ayon sa pulisya, salisi ang modus na ginawa ng lalaki.

"Para maiwasan natin na maging biktima tayo ng robbery o salisi, sana maging alerto tayo," ani Senior Insp. Demver Vergara, commander ng Police Station 4.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. - ulat ni Elmer Octobre, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.