2-anyos, patay sa bugbog

Patricia Louise Mendoza, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 06:44 PM

SAN FABIAN, Pangasinan - Patay ang isang 2-anyos dahil umano sa pambubugbog ng tagapag-alaga nito.

Linggo nang itakbo sa ospital ang batang si Quenvid Abrera matapos itong mawalan ng malay. Idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa pagsusuri ng doktor, halos mangitim ang mukha ng bata dahil sa mga tinamong latay. Mayroon rin siyang malaking pasa sa tagiliran na posible umanong dahil sa mga palo ng kawayan.

"Sabi nahulog sa hagdan pero iba 'yung sabi ng doktor... Nabugbog 'yung bata," ani Police Chief Inspector Arvin Jacob, hepe ng San Fabian Police.

Inaresto ang tagapag-alaga ng bata na si Glaiza Silva na siya ring nagsugod sa bata sa ospital.

Umamin naman si Silva sa ginawa.

"Dala na rin po sa pagod, gutom... Hindi ko naman po alam na ganun ang kahahantungan," aniya.

Labis ang pagsisisi ng ina ng biktima na nagtatrabaho sa Laguna. Aniya, mabait na tao ang pagkakakilala niya kay Silva.

Paalala ng mga pulis, huwag mag-atubiling magsumbong sa kanila kung may mga kaso ng domestic violence.

"Huwag kayo mahiyang magsumbong, kasi minsan ayaw malaman ng iba na may problema na sila hanggang sa malala na," ani SPO1 Maria Melany Aningalan.

Kasalukuyang nagpapagaling ang tatlong taong gulang na kapatid ng biktima na binugbog din ng suspek.

Desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kasong murder laban kay Silva.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.