Tag-ulan na ba? Ito ang sagot ng PAGASA

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 09:47 AM

Wala pang anunsiyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa opisyal na pagdating ng panahon ng pag-ulan.

“By average po ay second half of May umpisa ang tag-ulan. Wala pa kaming sinasabi na next week tag-ulan na,” ayon kay PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio.

Dagdag ni Aurelio, ang mga nararanasang pag-ulan ay bunga lamang ng isolated thunderstorms at wala pa ang habagat.

“Continuous na mino-monitor natin ang weather situation para masabi nating tag ulan,” sabi ni Aurelio.

Pero paliwanag niya, senyales na papalapit na ang tag-ulan ay ang madalas na isolated thunderstorms.

Samantala, inaasahan naman ang maulap na kalangitan na may mga light to moderate rain and isolated thunderstorm sa may bahagi ng Batanes province ngayong Miyerkules.

Sa ibang panig ng bansa naman tulad ng Metro Manila ay makakaranas ng mainit at maalingasang panahon maliban sa isolated na pag-ulan. DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.