Suspek sa pagpatay sa bata sa Davao City, tukoy na

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 05:51 AM

DAVAO CITY- Unang nadakip ng mga pulis si Ariosto Lumayas sa pagpatay sa 6-anyos na bata na si Leah Bea ngunit hindi na matutuloy ang kaso nito dahil may bagong lead ang kapulisan sa kaso.

Nadakip at nakakulong sa Sasa Police ang 21-anyos na si Edgar Joseph Lucero na umamin na siya ang pumatay sa kamag-anak na si Leah Bea.

Sa CCTV footage na nakuha ng police, nakita na kasama ng suspek ang bata na naglalakad sa kalsada sa Brgy. Ubalde Agdao bago pa man nangyari ang krimen.

Lumabas din sa imbestigasyon na ang suspek pa mismo ang nagtunton sa lugar kung saan natagpuang patay si Leah Bea.

Ayon kay Edgar Joseph, dahil sa kalasingan ay sinakal niya hanggang mamatay ang bata. Ngunit pinabulaanan niya na hinalay niya ang bata.

Napag-alaman rin ng pulis na may kasong pagnanakaw ang suspek noong siya ay menor de edad pa.

Kasong rape at murder ang isasampa laban sa suspek.

Samantala, pinalaya naman ng pulis si Lumayas.

Tutulong umano siya bilang witness sa kaso dahil may impormasyon na makapagdidiin sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.