Pasaporteng 10 taon ang bisa, pasado sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 10:37 PM | Updated as of May 18 2017 02:27 AM

Ikinatuwa ng passport applicants ang napipintong pagpapalawig ng passport validity mula sa kasalukuyang limang taon, papunta sa ipinapanukalang 10 taon. 

Umaasa silang agad na itong mapipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo't pahirapan ang pag-a-apply ng passport.

Matinding init at paghihintay ang karaniwang tinitiis ng mga kumukuha at nagre-renew ng passport. 

Si Anabel Mision, halimbawa, na balak magtrabaho sa Jordan, sa September 2018 pa mag-e-expire ang passport. Pero naobliga na itong magpa-renew ng pasaporte bago magsimula ang tatlong taong kontrata sa papasukan.

Kaya good news para sa mga aplikanteng tulad niya ang napipintong pagpapalawig ng bisa ng passport. 

Pasado sa Kongreso 
Pasado na sa Kongreso ang bicameral conference committee report ng panukalang batas na nais gawing 10 taon ang bisa ng Philippine passport. 

Inaprubahan sa plenary session noong Martes ang bicameral committee report na nagtutugma sa mga probisyong ipinapanukala ng Senado at ng Lower House. 

Ang pagpapatagal ng bisa ng pasaporte ay kasama sa kampanya ng administrasyong Duterte kontra-red tape. 

Kapag napagtibay na sa Kongreso ang panukalang batas, isusumite ito upang mapapirmahan kay Pangulong Duterte.

Naaprubahan ng Senado ang mga bersyon nito ng panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa noong Lunes. Ang Senate Bill 1635 o ang Philippine Passport Act ay naglalayong baguhin ang 21 taong Philippine Passport Act of 1996, kung saan 5 taon lang ang bisa ng pasaporte.

OK sa OFW 
Inaasahang magiging kapaki-pakinabang ito sa mga overseas Filipino workers. 

Ikinatuwa rin ng mga Pilipinong kumukuha ng passport sa Italy ang balita dahil mamemenos ang punta nila sa konsulado.

Sa parte naman ng Department of Foreign Affairs, sinabi ng tagapagsalita ng kagawaran na si Robespierre Bolivar na handa ang ahensya na ipatupad ang pagpapalawig ng bisa ng pasaporte sa lalong madaling panahon sakaling maisabatas na ito.

-- Ulat nina Willard Cheng, RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.