Parusa sa paglabag ng occupational safety standards at minimum wage, isinusulong na sa Senado

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 09:01 PM

Isinulong sa Senado Miyerkoles ang mas mabigat na parusa sa mga kumpanyang lalabag sa occupational safety standards at ang mga hindi nagbabayad ng tamang minimum wage.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1317, P100,000 kada araw ang magiging multa sa mga kumpanyang lalabag sa occupational safety standards.

Kapag may namatay na empleyado, hanggang P500,000 ang dapat bayaran ng employer na maaari pang makulong hanggang 12 years.

Sa kasalukuyan, work stoppage order lang ang parusa sa mga kumpanyang lumalabag sa occupational safety standards.

Kamakailan lang ay ginunita ang ikalawang anibersaryo ng sunog sa Kentex na ikinasawi ng mahigit 70 manggagawa.

Pero ayon sa mga biktima, hanggang ngayon ay mailap pa rin ang hustisya sa kanila.

Malaking problema rin ang hindi pagsunod ng mga employer sa itinakdang minimum wage sa kanilang lugar.

Sa datos ng National Labor Relations Commission noong 2016, 7,585 o 25 porsiyento ng mga reklamo laban sa mga employer ay tungkol sa hindi pagbabayad ng minimum wage.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1169, ipinapanukala ang multa na P25,000 hanggang P100,000 na may kasamang moral damages na hanggang P30,000 para sa apektadong manggagawa. Kasama rin dito ang gastos sa pagkuha ng abugado. 

Maaari pang mauwi sa pagkakakulong ng hanggang apat na taon ang mapapatunayang lalabag sa panukala.

Kasama ang dalawang panukala sa priority bills ng Senado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.