PAGASA nagbabala: Matinding init madarama

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 05:15 PM | Updated as of May 18 2017 07:22 AM

MAYNILA - Kung walang mahalagang lakad, huwag munang lumabas ng bahay. Ito ay dahil iinit pa ang panahon sa mga susunod na araw, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical (PAGASA). 

Sa ikalimang-araw na heat index forecast na inilabas ngayong Miyerkoles, sinabi ng PAGASA na inaasahang aabot pa sa 40 hanggang 41 degree Celsius ang heat index sa ilang lugar sa bansa. 

Ang "heat index," paliwanag ng PAGASA, ay ang sukat ng aktuwal na pakiramdam ng tao sa kanyang katawan kapag mainit ang panahon. Kadalasan umanong nakakaapekto dito ang halumigmig (humidity).

Partikular na inaasahan ang 41 degree Celsius heat index sa Tuguegarao City sa katirikan ng araw sa Linggo, Mayo 21. Aabot naman sa 40.1 degree Celsius ang heat index sa Kamaynilaan sa Huwebes.

Sa ganitong kataas temperatura, posibleng pulikatin ang isang tao, ayon sa PAGASA. Posible ring magdulot ng heat stroke ang naturang init ng panahon. 

Narito ang ilan sa mga payo ng PAGASA sa harap ng mainit na panahon: 

1. Manatili sa bahay kung walang mahalagang lakad at pumuwesto sa pinakamalamig na lugar. 

2. Kung dalawang palapag ang bahay, manatili sa babang palapag na hindi direktang tinatamaan ng sinag ng araw. 

3. Magsuot lamang ng mga damit na presko at may "light colors" para mabawasan ang mainit na pakiramdam.

4. Dalasan ang pag-inom ng maraming tubig at umiwas muna sa alak na nagdudulot ng dehydration sa katawan.

5. Bawasan ang kinakain pero dalasan ang pagkain. Iwasan ang mga pagkaing mataas sa protina na nagpapataas ng "metabolic heat."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.