Eksklusibo: Nene, ginahasa ng pinsan sa barangay hall

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 10:45 PM

Hindi akalain ng 24 anyos na suspek na kahit madilim sa loob ng barangay hall ng Sta. Mesa, Maynila, nakunan pa rin sa CCTV ang ginawa niyang krimen. 

Sa kuha ng CCTV, natutulog sa barangay hall ang anim na magkakamag-anak, kabilang na ang suspek at ang biktima niyang pinsang babae, 10 anyos.

Pinayagan silang matulog sa barangay hall dahil taga-linis doon ang ina ng biktima. 

Nakunan ng video na hindi mapakali ang lalaki habang nakahiga at pilit na hinahatak ang katabi niyang pinsan. Doon na ginawa ng suspek ang panggagahasa sa bata.

Dahil sa takot, ilang araw na walang imik ang bata. Hanggang sa mapansin ng ina na aligaga na ang anak. Doon na ikinuwento ng biktima sa ina kung ano ang nangyari noong gabi.

Nagsumbong sila sa chairman ng barangay na kamag-anak din nila. Agad naman siyang nakipag-ugnayan sa mga pulis para maaresto ang suspek.

Nagsisisi ang suspek sa ginawa. Paliwanag niya, sobrang lasing daw siya nang gawin ang kahalayan.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.