Pagpatay sa lalaki, idinidikit sa alitan ng crime groups sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 07:29 PM | Updated as of May 16 2018 09:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Napatay ang isang lalaki sa Cavite matapos pagbabarilin ng mga lalaking sakay ng motorsiklo dahil umano sa alitan ng crime groups.

Binawian ng buhay si Ezekiel Ruiz noong gabi ng Sabado matapos barilin sa ulo habang nakatambay sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay 34, Cavite City.

Dahil nakuhanan ng CCTV ang krimen, kinilala ng pulisya ang mga bumaril bilang sina Ronald Diaz at Archie Black.

Ayon kay Cavite City police chief Superintendent Vanni Martinez, matagal nang may alitan ang biktima at mga suspek, na mga miyembro umano ng magkalabang crime group.

"Lumalabas nga po [sa imbestigasyon] ay rivalry ng dalawang organized crime group na involved sa gun for hire and illegal drugs," ani Martinez.

Bukod sa pagkakasangkot sa droga, sangkot umano si Ruiz sa mga kaso ng tangkang pagpatay at illegal possession of firearms.

Gun for hire o binabayaran para pumatay naman daw ang kabilang grupo, na may mga kasong murder.

Sa kulungan naman nagluluksa ang ina ng biktima, na ilang terminong nagsilbing kagawad sa barangay.

Tatakbo pa sanang kapitan ang ina ng biktima noong nakalipas na halalan subalit nasangkot sa droga.

"Pinagbibintangan nila ang anak ko na... grupo-grupo pero ang anak ko 'di naman kasali sa mga gano'n," ani Evelyn Ruiz.

Hinimok naman ng Cavite City police ang publiko na ilapit sa kanila ang ano mang impormasyon sa mga suspek. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.