Mga nais mag-OFW sa Kuwait, dagsa sa POEA matapos ang partial lifting ng ban

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 03:29 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ikinatuwa ng ilang Pinoy na nais maghanap ng trabaho sa Kuwait ang partial lifting ng deployment ban sa naturang bansa na inanunsiyo nitong Martes.

Ito ang dahilan kaya dumagsa agad sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga nais maging overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait. 

Kabilang na dito si Mabelle San Juan, na galak na galak sa naging hakbang ng gobyerno. 

"Panatag na loob namin na makakapaghanapbuhay na ulit kami. Para sa pamilya namin. Tapos na ang pagtitiis sa ban," ani San Juan.

Laking tuwa rin ni Jonalyn Ulgalde na kahit umano mahirap mapalayo sa mga anak, titiisin daw niya kapalit ng magandang kinabukasan.

"Mahirap dito eh. Doon malaki ang kita," ayon kay Ulgalde.

Martes nang ianunsiyo ni presidential spokesperson Harry Roque na tinanggal na ang ban sa mga skilled at semi-skilled workers na nais mag-Kuwait. 

Matatandaan na noong Pebrero, nagdeklara ng total ban si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa serye ng pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait, kabilang na ang kaso ni Joanna Demafelis na natagpuang patay sa loob ng freezer.

Muling naging mabuti ang ugnayan ng Pilipinas at Kuwait nang lagdaan na ang kasunduan ng dalawang bansa na layong proteksiyonan ang mga OFW.

Kasama sa memorandum of understanding ang paglalagay ng 24/7 hotline na puwedeng tawagan ng mga inabusong Pinoy. --Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.