Comelec, DepEd, 'bagsak' ang marka sa grupo ng mga guro

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 11:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dumadaing ang isang grupo ng mga guro sa umano'y "pagkabigo" ng Commission on Elections (Comelec) at Department of Education (DepEd) na pangalagaan ang kapakanan ng mga nagsilbing board of election tellers nitong nakalipas na halalan para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Ito'y matapos marinig ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang hinaing ng mga gurong tumulong sa eleksiyon.

Ang titser na si Bernadette Lugtu, hindi makalimutan ang sinapit sa kamay ng supporters ng isang kandidato. Sa sobrang tensiyon ng sitwasyon sa kanilang polling center, kinailangan pa ang puwersa ng SWAT.

"Kinuyog na kami. Sinabihan kaming mandaraya. Pinagmumura kami...Pinipilit kaming buksan ang ballot box eh hindi ako pumayag kasi sabi sa amin sa Comelec, kami ang manindigan...Nakakababa ng dignidad, pagod na pagod ka na tapos pagbibintangan ka ng ganito?" pag-alala ni Lugtu.

Bukod sa harassment, may ilang teacher din ang hindi pa nakatatanggap ang kanilang cash card.

Ang mga naranasang harassment, kulang na allowance, pati na ang pagpataw ng 5 porsiyentong withholding tax sa honorarium ay ilan lang sa mga reklamo ng mga guro nitong nakalipas na eleksiyon.

Kaya para sa ACT, bagsak na marka ang ibibigay nila sa Comelec at DepEd.

"Hindi nagampanan ng Comelec at DepEd ang kanilang responsibilidad nitong eleksiyon...Sa totoo lang maituturing natin itong election offense," ani ACT chairperson Benjamin Valbuena.

Buwelta naman ng Comelec, naibigay na ang halos lahat ng cash cards pero posibleng may delay lang sa mga gurong nahuli nang nasama sa listahan na magsisilbi sa eleksiyon.

Giit pa ng ahensiya, may 15 araw naman sila matapos ang eleksiyon para maibigay sa mga titser ang pera. 

Handa rin daw ang gobyerno na magbigay ng tulong-legal sa mga na-harass na guro.

Sa isyu naman ng kaltas na withholding tax, sinabi ng Comelec na ang Bureau of Internal Revenue ang dapat nilang kalampagin sa kanilang panawagan.

Nangako naman ang DepEd na iaapela nila sa Kongreso na amyendahan ang Election Service Reform Act (ESRA) law para hindi na patawan ng buwis ang kita at allowances ng mga guro sa susunod na eleksiyon.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.