Teenager na nanghablot ng cellphone, kinuyog sa QC

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 08:34 AM | Updated as of May 17 2017 09:40 AM

MANILA - Bugbog-sarado ang isang binatang nang-snatch umano ng cellphone ng isang dalagang pauwi kasama ng mga kaibigan sa Quezon City, Lunes ng madaling-araw.

Kuwento ni Ron Dee, kaibigan ng biktima, pauwi na ang kanilang grupo galing sa isang bilyaran sa Tomas Morato nang hablutin ng suspek na angkas ng motorsiklo ang cellphone ni alyas "Ariana."

"May motorcycle na huminto sa gitna namin. Nagsabi ng sorry po. Noong nagsabi siya ng sorry, bigla na lang niya hinila yung phone ng kasama ko. Kinuha ko siya pabalik," ani Dee.

Dagdag ni Ariana, "Natakot po ako, saka naglabas siya ng patalim."

Nahila ni Dee ang suspek na si Mark Oliver Buenaventura, pero nakatakas ang kaangkas niya na si "Raymond."

Napagbuntunan naman ng galit ng taumbayan si Buenaventura.

Pero giit niya, hinablot lamang niya ang cellphone dahil sa
pambubuyo ng kasamahan.

"Sabi niya sa akin gigimik lang kami. Bigla niyang ginitnaan [sina Ariana]. Sabi sa 'kin kunin mo na, hablutin mo na. Ako naman, hinablot ko naman. Pero 'di ko naman nakuha nahawakan ko lang po," ani Buenaventura.

Nagpakilala naman ang suspek bilang 17 anyos, pero pinabulaanan ito ng pulisya.

"Eighteen years old ang naka-record sa amin. Siguro modus din nila makaiwas sa demanda at ginagamit ang batas para 'di sila makasuhan," ani Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Quezon City Police District Station 10.

May natutunan naman ang magkakaibigang estudyante sa insidente. Ani Dee, "'Wag po tayo maglabas ng valuables natin lalo na dadaanan sa kalsada."

Dumaan na sa inquest si Buenaventura para sa kasong robbery

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.