Lalaki, tiklo sa droga sa kanyang kaarawan sa Bacolod City

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 12:05 AM

Sa detention cell ng Police Station 10 nagdiwang ng kanyang kaarawan si Ronilo Figueroa, 29, nang maaresto dahil sa pagbebenta ng droga. Bacolod City Police handout photo.

Isang lalaki ang nahuling nagbebenta ng iligal na droga sa kanyang kaarawan nitong Martes sa Bacolod City.

Imbis na magsaya at magdiwang ng kanyang ika-29 na kaarawan, sa detention cell ng Police Station 10, Bacolod City nag-birthday si Ronilo Figueroa. 

Nahuli si Figueroa na nagbebenta umano ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation noong Martes ng umaga.

Nakuha mula sa kanya ang limang sachet ng hinihinalang shabu at dalawa pang maliliit na sachet.

Nakuha mula kay Figueroa ang limang sachet ng hinihinalang shabu at dalawa pang maliliit na sachet. Bacolod City Police handout photo.

Ayon kay Senior Insp. Ramel Bustamante, hepe ng Police Station 10, nasa target list nila si Figueroa. "Na-tokhang" na umano ito dati pero hindi sumuko.

Dati na rin umano itong nahuli dahil sa iligal na droga pero nakapag-piyansa siya.

Nahaharap si Figueroa sa kasong pagbebenta ng iligal na droga.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. --Ulat mula kay Meneil Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.