KILALANIN: Lolang nasungkit ang pangarap sa edad na 79

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 12:01 PM | Updated as of May 16 2017 01:34 PM

Naging popular si Salvacion Nacario sa social media nitong nakaraang buwan. Ito ay dahil sa kanyang determinasyong magpursige upang maabot ang pangarap na matagal din niyang isinantabi alang-alang sa pamilya.

"Ang tatay ko military, sama-sama kami sa destino kaya paputol-putol yung pagaaral ko noon," kuwento ni Nanay Sally. 

Sa edad na 79, nagawa naman niyang maabot ang pangarap na ito nang makapagtapos ng Grade 10 sa Fort Bonifacio National High School.

"Proud na proud, itong tanda kong ito. Masaya," sabi ni Nanay Sally sa programang Mission Possible ni Julius Babao sa DZMM.

Hindi niya ikinahiya ang mag-aral ulit sa kabila ng kanyang katandaan. At hinangaan siya dito lalo na nang lumabas ang kanyang kwento sa social media.


"Mabait sila. Pag maingay sila lilingon lang ako titigil na sila. May respeto sila," kwento ni Nanay Sally sa kanyang karanasan na makasama ang mga batang kaklase.

Pero hindi naging madali para sa kanya ang daan sa pagsungkit sa kanyang pangarap. Noong nakaraang taon, na-stroke siya.

"Nagdu-duty ako sa health center. Pag labas ko ng health center, malamig doon, ang tindi ng init sa daan. Wala akong payong. Doon ako nadale ng mild stroke," sabi niya.

Pero kahit ito ay hindi naging sagabal sa kanya para pagpatuloy sa pagaaral.

Dahil lumaki sa pamilya ng sundalo, nakapangasawa din ng sundalo si Nanay Sally at lima sa kanyang mga anak ay nagtapos din sa pagsusundalo.

"Gusto ko talagang ipagpatuloy kahit matanda na ako. Sabi ko hindi ako hihingi sa inyo ng pang-gastos, sarili ko dahil may konting pension naman ako sa tatay niyo, sabi ko," sabi ni Nanay Sally.

Tatlong taong siyang nag-aral sa ilalim ng Alternative Learning System at isang taon naman sa Open University.

"Sa awa ng Diyos, nakita ko naman po yung determinasyon niyang makapag-tapos ng pagaaral. Wala naman siyang hinahanap na anu pa man, libangan niya na lang," pahayag ng kanyang anak na si Eduardo Nacario.

Naging pangarap din ni Nanay Sally ang pumasok sa military bilang sundalong nurse, para magsilbing pagpugay sa kanyang ama at asawa.

"Hindi ko man natupad ang pangarap ko noon na military nurse, dyan ko na lang iuukol kung aabot pa, bigyan ako ng Diyos ng lakas," sabi niya.

Tinulungan ng Mission Possible si Nanay Sally na magpatingin sa ospital para sa kanyang mga mata at namamagang paa na resulta ng mild stroke.

Isang munting salu-salo, kasama ang mga anak at ilang miyembro ng Philippine Army, ang nagpasiya din sa kanya.

Nagbigay respeto din sa kanya ang mga sundalo ng Philippine Army sa pamamagitan ng pagsaludo bilang pagkilala sa paghubog niya sa kanyang mga anak na naging bahagi ng serbisyo.

At kahit tutok na sa hinaharap ang kanyang pokus, may panghihinayang pa rin si Nanay Sally sa kanyang buhay.

"May kulang kasi hindi ako naka-serve sa bayan," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.