Ex-Maguindanao gov Ampatuan, ipinaaaresto ng Sandigan

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 11:31 AM

Former Maguindanao Governor Sajid Ampatuan. File Photo

MANILA - Naglabas ang Sandiganbayan 6th Division ng 3 warrant of arrest laban kay dating Maguindanao Governor Sajid Ampatuan, Martes.

Ito'y kaugnay ng mga kasong falsification, malversation at graft na nag-ugat sa umano'y maanomalyang paglabas ni Amaptuan ng P72 milyon na pondo para sa pagkumpuni ng ilang school building noong 2009.

Lumabas sa imbestigasyon na ibinayad ang pondo sa 4 na lumber companies na gawa-gawa lamang.

Aabot sa mahigit P3.2 milyon ang itinakdang piyansa ng korte para sa 137 counts ng falsification, P160,000 para sa 4 counts ng malversation of public fund at P120,000 para sa 4 na bilang ng graft.

Kabilang sa mga ipinapaaresto ng Sandiganbayan sina John Espelito Dollosa, Jr., Kasam Macapendeg, Osmena Bandila, Engr. Norie Unas, Datu Ali Apbi Al Haj, at Engr. Landap Guinaid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.