Dinukot na may-ari ng minahan, pinakawalan na ng NPA

May Diez, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 07:05 PM | Updated as of May 16 2017 07:39 PM

Pinakawalan na ng New People’s Army (NPA) ang dinukot na may-ari ng small scale mining na si Carson Ceasar Lademora Lunes ng hapon sa Crossing Magtuyom, Bislig City.

Kwento ng negosyador na si Konsehal Belarmino Balagot, hindi napigilang mapaluha ni Lademora nang magkita sila matapos palayain.

Hindi naman tiyak ni Balagot kung may ransom money kapalit ng kalayaan ni Lademora. Sinundo lamang umano niya ito sa Bislig City matapos siyang tawagan ng kumander ng NPA na pakakawalan na nila si Lademora. 

Sa ipinalabas na pahayag ng NPA Front 14, 21 de kalibreng armas ang nakuha nila mula sa minahan. Dinukot si Lademora bilang parusa sa umano’y pananamantala sa mga maliliit na minero. 

Pinuntahan ng news team ang bahay ni Lademora para makuha ang panig ngunit walang taong lumabas sa kanilang bahay.

Ayon pa kay Konsehal Balagot, minabuti na lamang ng biktima na magpahinga at manahimik na sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.