Batang babae, natagpuang patay sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 05:05 AM

Natagpuan ang katawan ng isang 6 anyos na babae sa isang damuhang bakanteng lote sa Brgy. Angliongto, Davao City, nitong Martes.

Natagpuang wala nang damit pang-itaas at nakapulang shorts ang biktima na inireport na nawawala noong Linggo.

Kinumpirma ni Emelita Lucero na ang biktima ay ang kanyang apo na si Leah Bea.

Ikinagulat ng pamilya kung bakit napunta si Leah sa bakanteng lote na malayo sa kanilang bahay sa Barangay R. Castillo Agdao.

Masakit para kay Emelita dahil hindi niya inakalang patay na niyang makikita muli ang kanyang apo na simula Linggo pa nila hinahanap.

Ayon kay Emelita, akala niya ay naglalaro lang ang kanyang apo sa mga tiyahin nito.

Inutos ni Davao City Police Director Senior Supt. Alexander Tagum sa Sasa Police na arestuhin agad ang responsable sa krimen.

Sa follow-up operation, naaresto si Ariosto Lumayas, isang 34-anyos na construction worker. 

Ayon sa pulis, itinuro ng isang saksi si Lumayas na huling nakitang kasama ng biktima.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek. --Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.