Suspek sa Eriguel slay, kinasuhan na

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 09:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kinasuhan na ang isa sa mga suspek sa pagpaslang sa dating kongresistang si Eufranio Eriguel.

Nahuli ng Philippine National Police (PNP) ang suspek na kinilalang si Felizardo Villanueva alyas "Ambo" nitong Lunes.

Ayon sa PNP, maaaring nasa miting de avance rin si Villanueva nang mangyari ang pagpaslang noong Sabado.

"Away-pulitika ang nakikita, although sabi ko nga, hindi in-elaborate masyado ng ano du'n sa report ng regional director," ani PNP chief Oscar Albayalde.

Kumandidato si Villanueva sa katatapos lamang na halalang pang-barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ngunit natalo ito.

Sinubukan naman ng News team na kuhanan ng pahayag ang pamilya ni Villanueva ngunit tumanggi sila.

Samantala, hustisya ang hiling ng pamilya at mga tagasuporta ni Eriguel, na dating second district representative ng La Union.

"We are still calling on the authorities to conduct an in-depth investigation as to what happened to [Eriguel], we want justice for him," sabi ni Atty. Cherry Ontala, chief-of-staff ng asawa ni Eriguel.

Binaril din ang sasakyan ng kaniyang misis na si La Union 2nd District Rep. Sandra Eriguel pero nakaligtas ito dahil nakasuot ng bulletproof vest.

Noong Agosto 2016, naisama sa listahan ng 'narco-list' si Eriguel, pero natanggal din sa listahan noong nakaraang taon.

--Ulat nina Justin Aguilar at Israel Malasa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.