'Gobyerno babantayan ang mga nahalal na nasa narco-list'

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 05:50 PM | Updated as of May 15 2018 11:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iginiit nitong Martes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño na paiigtingin ng gobyerno ang pagbabantay sa mga nahalal na barangay captain na isinasangkot sa ilegal na droga.

"The more na nanalo kayo, the more na babantayan namin kayo dahil baka mamaya lalong lumaganap ang droga sa barangay ninyo," sabi ni Diño sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon pa kay Diño, walang dapat sisihin kundi ang mga botante sakaling may mangyaring masama sa mga komunidad na nasasakupan ng mga kapitang kasama sa "narco-list."

"Kaya kong sisihin ang mga bumoto sa inyo. Kung magkakaroon ng disgrasya, halimbawa, 'yong mga anak ninyo ay nadisgrasya ng mga adik, holdaper, kriminal sa barangay, at binoto niyo po itong mga kapitang nagpabaya sa inyo, kasalanan niyo na 'yan," ani Diño.

"Hindi niyo na dapat isisi 'yan kung kani-kanino, kundi dapat sa inyo," mensahe niya sa mga botante.

Dagdag pa ni Diño, tuloy ang pagsampa nila ng kaso laban sa mga barangay official na nasa listahan kahit nanalo pa ang mga ito.

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, maaari pa ring humarap sa "Oplan Tokhang" ang mga opisyal ng barangay na nasa narco-list kahit nahalal ang mga ito.

"It depends on the evidence. If we have strong evidence, we can always subject them to 'Tokhang.' We're not being selective here," sabi ni Albayalde sa isang press conference.

"Kung talagang subject sila for 'Tokhang,' and they want to surrender, they can also surrender. Pero kung hindi naman and we have strong evidence, we can always operate on them," dagdag ng hepe.

Sa ilalim ng "Tokhang," nangangatok ang mga pulis sa mga pinto ng mga hinihinalang sangkot sa droga para pakiusapan silang huminto sa ilegal na gawain.

Sa isang hakbang na tinutulan ng mga rights group, inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang buwan ang pangalan ng mga barangay official na pinararatangang may kinalaman sa ilegal na droga.

Layon umano ng hakbang na gabayan ang mga botante para sa barangay election na idinaos noong Lunes.

WAGI PA RIN

Bagaman napabilang sa listahan, nagwagi pa rin sa barangay election si Anthony Velasquez bilang chairman ng Barangay Hulong Duhat sa Malabon.

Si Velasquez ang isa sa tatlong barangay chairman sa Camanava—na binubuo ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela—na kabilang sa narco-list.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ni Velasquez subalit "out of town" daw ito dahil sa kaniyang kaarawan.

Chairman din sa Malabon ang itinatakbo ni Alvin Mañalac, na nasa "narco-list" din, pero natalo ito.

Kapuwa nagwagi naman bilang kagawad sina Gemma Calzado ng Barangay Kasing-kasing, Iloilo, at Antonio Delez ng Barangay Camino Nuevo sa Zamboanga kahit napabilang sa narco-list.

Nanalo ring kagawad sa Baguio si Jomarc Pabunan ng Barangay Lower Magsaysay kahit kasama ang pangalan sa narco-list.

Ayon kay Pabunan, ipinagpatuloy niya ang pagtakbo para malinis ang kaniyang pangalan.

Patuloy ang pagberipika ng DILG kung ilan pang nasa listahan ang nahalal sa barangay.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.