Duterte bumisita sa burol ni Edgardo Angara

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 08:08 AM | Updated as of May 15 2018 12:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Kahit inumaga sa mga pagpupulong sa Malacañang, naglaan ng oras si Pangulong Rodrigo Duterte para magbigay-respeto sa pumanaw na si dating senador Edgardo Angara, Martes. 

Alas-12:30 ng hatinggabi dumating ang Presidente sa burol ni Angara sa Heritage Park, Taguig kasama si Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go. 

Nitong 2017, itinalaga ni Duterte si Angara bilang special envoy to the European Union (EU). 

"Siya ‘yung tagapagtanggol sa bunganga ko... He was very humble, and a very quiet person. Pang-diplomat talaga, of which I can never be one,” sabi ng Pangulo. 

Nagtagal ng 2 oras si Duterte sa chapel kung saan nakaburol si Angara. 

Hindi na pinayagan ang mga camera para pribado niyang makausap ang mga naulila ng dating Senate president, kabilang ang kaniyang anak na si Senator Sonny Angara. 

Nagpaabot din ng kanilang pakikiramay nitong Lunes ng gabi ang ilang kasamahan ng nakababatang Angara, kabilang na sina senators Franklin Drilon, Loren Legarda, Joel Villanueva, Richard Gordon, Bam Aquino at Miguel Zubiri.

Dadalhin ang labi ng nakatatandang Angara sa Senado sa Miyerkoles, kung saan magkakaroon ng necrological services, gayundin sa University of the Philippines-Diliman sa Biyernes. 

Sa Sabado, iuuwi si Angara sa kaniyang hometown sa Baler, Aurora, kung saan din siya ihahatid sa huling himlayan sa Linggo. 

Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.