Dagdag na P1,000 pensiyon sa SSS, di pa tiyak kung kailan maibibigay

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 11:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nilinaw ng pamunuan ng Social Security System (SSS) na wala silang petsang ibinigay kung kailan maipalalabas ang dagdag na P1,000 para sa pensioners nito.

Ayon sa SSS, maibibigay ito sa tamang panahon kapag nagkaroon na rin ng sapat na pondo ang ahensiya.

"'Yan ay mangyayari sa panahon ng termino ni President Duterte," pagtitiyak ni Emmanuel Dooc, president at CEO ng SSS. "Ang aming prayoridad ngayon ay mapalakas pa ang pondo ng SSS."

Sa taya ng SSS, kakailanganin nila ng dagdag na P2.3 bilyon para maibigay ang dagdag na P1,000 kada buwan sa mga miyembro nitong pensiyonado.

Kaya naman umaasa ang SSS na maitataas ang 11 porsiyentong contribution rate ng kanilang members.

Nauna nang hiniling ng SSS kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa 14 percent ng monthly contribution rate ng mga miyembro.

Tinawag ng Bayan Muna na "insensitive" kung hindi agad maibibigay ang ikalawang tranche o bugso ng P1,000 na pensiyon.

Giit pa ng kinatawan ng grupo, mas dapat pagtuunan ng pansin ng SSS ang pagsasaayos ng koleksiyon nito. 

"The SSS pension increase should be funded by their collection which, under the previous administration, has been a dismal 38-42%, which means SSS failed to collect from many employers who did not transmit the SSS contributions of their employees. SSS only collects contribution from 12 million of its 31 million members," saad ng pahayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Nanindigan naman ang SSS na hindi sila nagkukulang sa mga hakbang para matiyak ang koleksiyon ng kontribusyon mula sa mga miyembro.

"Pinuntahan namin 'yong mga nai-report sa amin... ang mga employers at establishments na hindi compliant," ani Dooc.

Dagdag ni Dooc, ngayong taon ay magsisimula na rin silang magsagawa ng mga aksiyong legal laban sa mga delingkuwenteng employers at miyembro.

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.