Chairman sa 'narco-list,' talo sa eleksiyon

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 11:40 AM | Updated as of May 15 2018 01:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bigo sa muling pagtakbo sa pagka-barangay kapitan ang isang kandidato sa Malabon City na napasama sa 'narco-list' ng mga awtoridad.

Nakakuha ang incumbent chairman ng Barangay Tinajeros na si Alvin Mañalac ng 2,151 boto, mas mababa kumpara sa 3,216 boto na nakuha ng kalaban na si Ryan Geronimo.

Pumangatlo naman sa pagka-barangay kapitan si Alexander Centeno na mayroong 1,696 boto.

Naiproklama bilang barangay kapitan si Geronimo bago mag alas-5 ng umaga nitong Martes.

Naniniwala naman si Geronimo na nakaapekto sa mga botante ang pagkakasama ni Mañalac sa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Agad namang tinanggap ni Mañalac ang pagkatalo.

Sa kaniyang social media account, nagpasalamat si Mañalac sa mga taga-suporta at binati ang bagong halal na barangay chairman.

Samantala, nagkaroon naman ng bahagyang tensiyon sa Navotas Elemenary School sa Barangay San Jose matapos mag-brown out habang isinasagawa ang bilangan.

Napasugod sa eskuwelahan ang mga taga-suporta ng mga kandidato, dahilan para maudlot ang bilangan.

Rumesponde naman ang mga pulis at isang trak ng bumbero na may dalang flood light.

Dumating din ang mga taga-Meralco at makalipas ang ilang oras ay naibalik muli ang suplay ng kuryente.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.