Sakripisyo, diskarte para maghanda sa school opening

ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 07:19 PM | Updated as of May 15 2017 10:14 PM

Umarangkada na ang Brigada Eskuwela ng Department of Education bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan.

Daan-daang estudyante, magulang, at volunteers ang nagbayanihan para pagandahin ang mga eskuwelahan. 

Kuha ni Zhander Cayabyab, DZMM

Sa Albay, time out muna sa trabahong bukid si Aling Gloria na nakiisa sa Brigada Eskuwela sa paaralan ng mga anak.

Pero para makapunta sa Jovellar National High School, kinailangang maglakad ng halos isang oras ng ginang dahil wala raw siyang pera para makasakay ng habal-habal.

Sakripisyo rin ang alay ng isang lola sa Iloilo na naki-Brigada Eskuwela. Hindi ininda ng 77 anyos na si Arsenia Formacion ang kaniyang arthritis basta makapaglinis lang ng paaralang pinapasukan ng kaniyang tatlong apong itinataguyod din nilang mag-asawa sa pagtanggap ng labada.

Kuha ni Bea Carcillar Zaragosa, ABS-CBN News
Kuha ni Bea Carcillar Zaragosa, ABS-CBN News

Naging malikhain naman ang mga taga-Davao City sa pagpapaganda ng kanilang eskuwelahan.

Kuha ni Paul Palacio, ABS-CBN News
Kuha ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Nagsilbing mga paso para sa mga itinanim na halaman ang ilang napaglumaang gamit ng mga magulang ng mga estudyante. Nariyang ginamit nila ang mga napagliitang pantalon, sapatos, at maging damit panloob.

Kasabay nitong malawakang Brigada Eskuwela, inilunsad din ng DepEd ang "Brigada Eskuwela Plus" na gagawin buong taon. Paparangalan ang mga eskuwelahan at LGU na makakapagpanatili ng kanilang mga paaralan sa pamantayan ng Kagawaran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.