Impeachment vs. Duterte, ligwak sa komite ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 04:14 PM | Updated as of May 16 2017 12:16 AM

Ligwak agad ang reklamong impeachment laban kay Pangulong Duterte sa unang pagkakataon pa lang na dininig ito sa justice committee ng Kamara. 

Bumoto ang 42 kongresistang kaalyado ng pangulo para ibasura ang reklamong inihain ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano. Matapos ang isang oras na executive session, nagdesisyon ang mga mambabatas na ‘insufficient in substance’ ang impeachment complaint.

Irerekomenda ng komite ang desisyong ito sa buong plenaryo, at doon pagbobotohan. Kung 1/3 ng mga mambabatas ang boboto para rito, didiretso sa paglilitis ang kaso. Kung hindi naman ay tuluyan nang madi-dismiss ang impeachment complaint. 

Ang botong ‘insufficient in substance’ ng Kamara ay mangangahulugan na hindi puwedeng magsampa ng panibagong impeachment complaint laban kay Duterte sa loob ng isang taon. 

Una namang nagdesisyon ang komite na ‘sufficient in form’ ang reklamo o sapat ang mga dokumentong isinumite sa Kamara.

Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Alejano na magbigay ng pambukas niyang pahayag tungkol sa inihaing reklamo dahil agad siyang ginisa ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Kinuwestiyon si Alejano kung may personal ba siyang kaalaman tungkol sa mga alegasyon sa impeachment complaint na may kinalaman si Duterte sa mga patayan bunsod ng war on drugs, sa Davao Death Squad, sa umano’y nakaw na yaman at tagong bank accounts ng kaniyang pamilya, at sa isyu ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Giit ni Fariñas, nagbase lang si Alejano sa media reports, testimonya ng mga nagpakilang hitmen sa Senado, at mga umano'y hindi napatotohanang dokumento at affidavit ni Sen. Antonio Trillanes.

"Iyung narinig mo o nabasa mo sa diyaryo o naikuwento sa iyo, that is hearsay evidence and that will not stand trial," ani Fariñas.

Aminado si Alejano na wala siyang personal na nalalaman sa mga alegasyon pero iginiit na nakabase raw ang inihain niyang reklamo sa mga dokumentong may patunay at mga sinumpaang salaysay.

"Hindi ako witness ng pagbaril, ng mga biktima ng war on drugs... lahat po tayo nakadinig, siguro po hindi naman tayo nasa ibang bansa, alam po natin na may patayan sa lansangan," buwelta ni Alejano. 

Tanggap naman ni Alejano ang tuluyang pagbasura ng Kamara sa kaniyang impeachment complaint. Hirit pa niya, posibleng magamit ang pagbasura para maisulong sa International Criminal Court (ICC) ang reklamo laban kay Duterte. Maaari lang kasing magkaroon ng hurisdiksyon ang ICC sa isang reklamo kung tumanggi ang mga lokal na korteng dinggin ito.

Sa ilalim ng Saligang Batas, hindi maaaring maihabla ang presidente hangga’t siya ay nasa puwesto. Puwede lang siyang maidemanda kapag natapos na ang kaniyang termino. 

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.