Mga 'nawalang' pangalan sa voters' list, nagdulot ng kalituhan sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 12:54 PM | Updated as of May 14 2018 10:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

CALOOCAN CITY - Inireklamo nitong umaga ng Lunes ng ilang mga botante ang naranasang pagkalito nang malaman nilang wala ang kanilang mga pangalan sa voters' list sa Bagong Silang High School.

Maaga pa lang ay nakapila na ang ilan sa mga botante na hindi naman umano first-time voters, kaya ikinadismaya nila nang matuklasang hindi kasama ang kanilang pangalan sa listahan ng mga botante sa polling precinct.

Sinuyod ng botanteng si Delia Bugauit ang iba't ibang kuwarto sa paaralan para mahanap ang kaniyang pangalan sa mga voters' list pero nabigo siya.

"Bumoto ako kay Duterte, bumoto ako sa mayor, ilang beses akong bumoto! Ngayon lang nawawala," sabi ni Bugauit, na minabuti na lang na umuwi at ipagpaliban ang paglahok sa barangay at Sangguaniang Kabataan (SK) elections.

Subalit mayroon namang mga hindi sumuko sa paghahanap ng kanilang pangalan, gaya ng 49 anyos na si Luzviminda Gebe.

"Wala ang pangalan ko? Imposible ito," aniya.

Inisa-isa pa ni Gebe ang bawat pahina ng mga voters' list na nakapaskil sa labas ng mga kuwarto ng paaralan.

Inaasahang nasa higit 100,000 ang boboto sa naturang paaralan.

Itinuturing na pinakamalaking barangay sa bansa base sa populasyon ang Barangay Bagong Silang sa Caloocan. Tinatayang nasa 247,000 katao ang naninirahan sa barangay.

Bago pa man mag-alas-5 ng madaling araw ay inilatag na ng mga gurong nagsisilbing Board of Election Inspectors ang mga paraphernalia sa halalan, kabilang ang listahan ng mga botante.

Pinayuhan naman ni Myrna Pacheco, school coordinator ng Bagong Silang High School, ang mga botante na tingnan ang voters' list sa iba pang paaralan.

Maaari kasing nalipat ang kanilang pangalan sa listahang nasa ibang clustered precinct.

Nangyari rin umano ito noong 2016 presidential elections, ayon kay Pacheco.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.