Edgardo Angara, 83, inalala ng mga kaanak, kaibigan, katrabaho

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 07:15 PM | Updated as of May 14 2018 11:37 PM

File Photo

Sinariwa ng mga kaanak, kaibigan, at katrabaho ang alaala ni dating Senate President Edgardo Angara na pumanaw nitong Linggo, Mayo 13, sa edad na 83.

Kabilang sina dating Pangulong Fidel Ramos at Gloria Macapagal Arroyo sa mga unang bumisita sa pagbubukas sa publiko ng burol ni Angara nitong Lunes.

Hindi makapaniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na wala na ang matalik na kaibigan dahil noong Sabado lang ay magkasama pa aniya sila sa anibersaryo sa Tagaytay Highlands ng law firm na itinatatag nila--ang Angara Abello Concepcion Regala and Cruz o ACCRA Law Offices.

Nagkayayaan pa nga raw sa bahay ni Angara sa Amadeo, Cavite pagkatapos.

Masaya raw at walang indikasyon na may iniinda ang kaibigan.

"Biniro ko siya [Angara] dahil marami pa siyang mga plano na sinasabi sa akin. 'Alam mo, Ed dapat ikaw ay mabuhay hanggang ikaw ay 183 years old dahil sa 83 ka ngayon sa dami mo pang plano, mga 100 taon pa sigurong kailangan,' [and] we were laughing," kuwento ni Drilon.

Pagsapit ng umaga ng Linggo, nakita na lang ng kaniyang mga kasambahay si Angara na tila inatake umano sa puso.

"I was actually in China, I was travelling, I was called by my staff. Sabi nila 'yong mga kasambahay ni Daddy nakita siya di na daw humihinga dinala sa ospital di na ma-revive. Mukhang inatake po sa puso sa Tagaytay po, parang weekened house niya. The day before, he had a long schedule, napagod ho ata. Umaga raw ng Linggo, umuubo siya," kuwento ni Senador Sonny Angara, anak ng yumaong Angara.

Iniidolo ni Sonny ang kaniyang amang huli niyang nakasama noong isang linggo bago siya bumiyahe papuntang sa ibang bansa.

"Nabisita ko siya sa kaniyang opisina noong Wednesday. Wala kaming tipong walang pinag-uusapan. Nangangamusta lang. That rarely happens. Ako'y nagpapasalamat na nagkaroon ng closure," dagdag ng nakababatang Angara.

Naalala naman ni Ramos ang trabaho nila ni Angara noong ito ay Senate president pa at House speaker si Jose De Venecia.

"Together with JDV [Jose De Venecia], Egay and I as a team of three, put out during his term maybe 120 reform laws or maybe one reform law every nine days through constant consultation and consensus," ani Ramos.

Si Angara ay nagtapos ng Law sa University of the Philippines at masters sa University of Michigan.

Noong 1970, nahalal na delegado sa Constitutional Convention si Angara.

Doon sila nagkasama ni dating Pangulong Diosdado Macapagal na nakita na raw agad ang potensiyal ni Angara sa serbisyo publiko.

Ayon sa anak ni Diosdado na si Macapagal Arroyo, naging magkaalyado rin sila ni Angara sa Senado.

"My father said he was... destined for higher leadership," pag-alala ni Macapagal-Arroyo.

Nang maging Senate minority floor leader si Angara, pinili ni Macapagal Arroyo na umanib sa minorya para makasama si Angara.

Watch more in iWantv or TFC.tv

KARERA NI ANGARA

Itinatag nina Angara, Drilon, at iba pang prominenteng abogado ang ACCRA law offices na naging isa sa pinakamalalaki at prominenteng law firm sa bansa.

Nagsilbi siyang presidente ng Philippine Bar Association, Integrated Bar of the Philippines, at unang pangulo ng ASEAN law association.

Naupo rin si Angara bilang pangulo ng University of the Philippines.

Ito ang naging tuntungan niya para mapasok sa Senado pagkatapos ng People Power Revolution.

Taong 1993 nang siya'y maging Senate President.

Si Angara ang ama ng ombudsman law, at iba pang batas gaya ng Free High School Act, Senior Citizens Act, At Philhealth Act, pati na rin ang mga batas na nagtatag sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED).

Noong 1998, natalo si Angara kay Macapagal Arroyo bilang bise presidente.

Pero nagbigay daan ito sa pagkakatalaga ni Angara bilang chairman ng Philippine National Bank (PNB) hanggang ginawa siyang Agriculture secretary at executive secretary ni dating Pangulong Joseph "Erap" Ejercito Estrada.

Si Angara ang nangasiwa sa maayos na pagsasalin ng kapangyarihan noong "EDSA Dos."

Bumalik pa si Angara sa Senado pagkatapos magsilbi sa Estrada administration.

Ngayong administrasyong Duterte, itinalaga si Angara na special envoy to the European Union at chairman ng New Clark City.

Minsang sinabi ni Angara na isang karangalan ang ilang taong paglilingkod sa bayan.

"It's been a far from perfect life fraught with accident, sometimes happily so, and misadventure. But it has also been a grand opportunity and privilege to serve the Filipino people," ani noon ni Angara.

-- Ulat ni RG CRUZ, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.