Barangay chairman sa Pampanga kumpiyansang mananalo kahit nasa 'narco-list'

Alexandre Kate Cunanan, ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 08:06 PM

Maagang bumoto si reelectionist Barangay Pulungbulu Chairman Bernardo Santos sa Angeles City. Kumpiyansa siyang mananalo muli kahit nasa "narco-list" ng PDEA. Alexandre Kate Cunanan, ABS-CBN News

ANGELES CITY, Pampanga - Kumpiyansa ang chairman ng Barangay Pulungbulu dito na siya ay muling mahahalal sa posisyon kahit pa siya ay kasama sa "narco-list" o listahan ng mga sangkot umano sa ilegal na droga na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). 

Naniniwala si Bernardo Santos na politika ang dahilan ng pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa listahan ng mga opisyal na umano'y sangkot sa ilegal na droga. 

"Nararamdaman ko, hindi ako matatalo. Hindi nila ako kayang talunin. Sana 'yung mananalo e 'yung mga walang bahid sa barangay namin," ani Santos. 

Muli ring iginiit ng reelectionist na wala siyang kinalaman sa ilegal na droga. Sa buong Angeles City, si Santos lamang ang barangay official na naisama sa PDEA narco list.

Maagang tumungo si Santos sa Angeles Elementary School, Lunes ng umaga, para bumoto. Sinalubong siya doon ng palakpakan ng kaniyang mga tagasuporta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.